Friday, December 18, 2020

Seafoods

    Malamig na simoy ng hangin sa dapit-umaga ang sumalubong at humaplos sa balat ni Jerome. Sabit-sabit sa kanyang leeg ang kanyang DSLR camera na regalo niya sa kaniyang sarili mula sa naipon niyang sweldo sa kaniyang unang trabaho. Labis-labis ang kanyang pagpapagod kung kaya’t napagpasiyahan niya naman ngayon na magbakasyon sa isang malayong dalampasigan. Tinatanaw niya ang mga rock formation sa isang distansya at nauulinigan ang mga huni ng seagulls na tila’y nagpapahiwatig ng magandang kapalaran. Kasabay nito ay kumukuha rin siya ng mga random na larawan upang mas mahasa pa ang kaniyang kasanayan sa pagkuha ng litrato. Nililitratuhan niya ang tubig, buhangin, mga bato at shells, sa iba’t ibang anggulo. Nang biglang aksidente niyang makunan ang isang inaanod na katawan sa dalampasigan. Siya’y nagulat at dali-daling nilapitan ang lalakeng basang-basa at tila’y hindi na humihinga. Inilapag niya ang kaniyang tainga sa dibdib nito upang malaman kung mayroon pa siyang pulso.

     “Hay Salamat!”

     Agad-agad niyang inakayan ito papunta sa clinic ng resort na kaniyang tinutuluyan nang biglang mapansin niya na putol ang binti nito.

     Habang nasa clinic, nakaupo at nag-iisip nang malalim si Jerome kung ano ang posibleng nangyari sa binti ng lalake. Naisip niya na maaaring kagat ito ng buwaya, pating, o anuman na matalas ang ngipin na magawang maputol ang binti ng lalake. Napatayo siya ng sabihin ng nurse na maaayos naman ang kalagayan ng lalake. Nagpasalamat siya sa kaniya sapagkat nagawa niyang dalhin agad ang lalake sa clinic dahil kung hindi ay baka sakaling malamig na siyang bangkay ngayon. Pinuntahan niya ang lalake at kinausap. Hindi umiimik ang lalake. Tahimik lang ito at nakaupo at nakatingin sa kawalan.

     Dumating ang gabi at natulog si Jerome sa mahabang upuan na nakadikit sa pader ng clinic. Siya’y mahimbing na natutulog nang tila’y mapansin niya ang kakaibang tunog. Nakakagulat! Nakita niya ang isang kakaibang nilalang na nakapatong sa lalake. Tila’y hinahalikan niya ito at parang bumabaon ang dila. Sumigaw ng malakas si Jerome at tumakas ang kakaibang nilalang na parang walang bahid ng pag-aalala. Bakas sa lalake ang takot at pagkagulat kung kaya’t pinagpabukas niya na lamang ang pagtanong sa lalake kung ano ang talagang nangyari.

     Kinaumagahan, agad-agad niyang pinuntahan ang lalake at may dala-dalang almusal. Nagsimulang magtanong si Jerome at may pinakita sa kaniya ang lalake na tila ba’y isang karne.

     “Ito ang pinapakain niya sa akin. Nagsimula ito nang mawalan ako nang malay noong ako’y lumangoy sa dagat. Nalunod pala ako at nakita ko na lamang ang aking sarili sa isang kweba. Ang nilalang na nakita mo ay araw-araw akong pinapakain gamit ang kaniyang bibig.”

     Nagulantang si Jerome sa kaniyang kinwento. Siya’y hindi pa rin makapaniwala kung totoo ba talaga iyong nangyari. Umuwi na si Jerome sa kaniyang siyudad at dali-daling pina-test kung ano ang karneng pinapakain sa lalake. Bumalik din siya sa dalampasigan upang ipaalam ang resulta ng test ngunit ang balitang natanggap niya lamang ay nawala ang lalake sa araw na umalis siya. Hinanap niya ito at nagbaka-sakali na may maiwang bakas sa dagat. Nang biglang…

     Nagising nalang sa isang kweba si Jerome at kahalikan ang isang kakaibang nilalang. Basang-basa siya at wala na rin ang kaniyang binti.

No comments:

Post a Comment