Friday, December 18, 2020

Ang Bampira sa Quiapo

     Halik sa noo at matamis na “Paalam!” ang baon ni Vlad habang siya’y papalabas ng kanilang tahanan. Sinuot niya na ang kaniyang sapatos sa labas ng kanilang pintuan at dumaan sa makitid na iskinita. Tinanguan at nginitian niya ang mga nasalubong niyang mga manang na naka-duster, nakaipit ang buhok, nagpapaypay, nagkukuwentuhan at naglalaro ng baraha. Naulinigan niya rin ang ingay ng mga manlalaro sa basketball court habang papasok sa isa pa ulit na iskinita. Sa wakas, nakalabas na rin siya mula sa kanilang lugar at ngayo’y papunta sa kaniyang trabaho. Siya si Vlad, 20-taong gulang at may anak na tatlong taong gulang na babae. Lumaki siya sa Quiapo at inaaamin niyang hindi pangkaraniwan na buhay ang meron siya. Sa edad na pitong taon ay namulat na siya sa kalakaran sa kanilang lugar. Ang dumadaloy na dugo sa kaniyang ama ay alak, samantalang ang dugo ng kaniyang ina ay pinapatakbo ng baraha. Pareho rin silang pabalik-balik sa kulungan sapagkat dugo rin nila ang droga. Dahil dito, lumaki siyang mag-isa sa lansangan at tanging mga kaibigan niya ang kaniyang tanging sandalan.

     Isang araw, niyaya siya ng kaniyang mga kaibigan na maglaro ng bampira-bampira. Ang tanging gagawin lamang nila ay kumuha ng dugo ng ibang tao, ngunit sa halip na dugo ay mga mamamahaling gamit. Pinakitaan siya ng mas nakakatanda niyang kaibigan kung paano ito gagawin. Tatabihan mo lamang ang iyong prey na tila ba’y isa ka rin sa kanila at dahan-dahan mong i-aangat ang iyong kamay – “bukas, sungkit, dakot, hablot, sabay takbo.”. Nasabik si Vlad dahil sa kakaibang instructions ng laro. Hindi nagtagal, naging number one sa larong ito si Vlad at siya na rin ang nagturo sa mga susunod na henerasyon ng bampira.

     Ngayon, dalawampung taon gulang na si Vlad, nag-iba na rin ang pagnanasa niya sa dugo. Naghanap siya ng mas challenging na laro kung saan mas maraming dugo ang makukuha sa kaniyang prey. Nakilala niya ang isang organisasyon na ‘di gaanong kakilala sa Quiapo. Pinaliwanag sa kaniya kung ano ang “laro” na kanilang ginagawa at anong klaseng prey ang kinakailangan. Nang matapos i-eskplika sa kaniya ang mechanics ng laro, mas lumala ang kaniyang pagkasabik sapagkat hindi-hindi bastang prey ang kaniyang hahanapin at sa halip na dugong nahahawakan at kumikinang ang kukunin, totoong dugo at may kasama pang laman-loob pa ngayon. Dagdag pa rito, hindi lamang siya ang makakatikim ng dugo kundi ang kanyang anak na pinakamamahal niya.

          “Para sayo ang dugo na ito, mahal kong anak”

     Iyon ang tumatakbo sa kaniyang isip. Suot ang itim na cap, backpack, white shirt, leather jacket, blue na maong, at black leather shoes na tila’y kupas na kupas na; dumating na rin si Vlad sa kaniyang trabaho. Siya’y bumati sa kanilang head vampire na ngiting-ngiti at masaya.

     “Boss, mukhang masaya tayo ngayon ah. Maraming dugo ba ang makukuha natin? Uuwian ko kasi ang anak ko kasi may gusto siyang laruan sa palengke.”

     “Bumili ka na ngayon din sapagkat napakasariwa ng dugo na nakuha namin ngayon.”

     Dahan-dahan siyang lumapit sa prey na hiwa na ang katawan, walang malay, maputla ngunit mainit-init pa. Nasabik agad siya sa pagkuha ng dugo nito na tila ba’y isang tunay na bampira. Inalis nito ang telang nakatakip sa mukha nito at bumungad sa kaniya ang isang pamilyar na mukha. Iyon na lamang ang huling balita tungkol sa pagkuha niya ng dugo. Kung nasaan ang Bampira ng Quiapo? Walang nakakaalam.


No comments:

Post a Comment